Shhh

by Katski

Hindi ba wala namang digital technology nung panahon ni Shakespeare?

Wala ring beepers and cellphones nung panahong sinusulat ni Tolkien ang Lord of the Rings.

O kahit nung nabubuhay pa si Chaning Carlos at sinusulat ang Petrang Kabayo, sigurado ako, hindi pa kasama sa mga kalbaryo niya bilang manunulat ang maya’t mayang pagtunog ng beeper o cellphone.

So kung nagsusulat ako at naka off ang cellphone ko, hindi ako abnormal o nananadya. Kaya wag magalit dahil naka off ang cellphone ko. ‘Wag umasta na parang dinagdagan ko pa ang kasalanan ko dahil ayaw ko maging accessible habang nagsusulat ako. Puwede magalit dahil na miss ko yung deadline. Pero wag na isama o isumpa ang ugali kong nag o-off ng cellphone. Karapatan ko yun. Kahit kelan puwede kong piliin na itapon ang cellphone ko at mamuhay gaya nung panahong wala pang ganitong conveniences sa mundo.

Alam ko mahirap intindihin yun ng hindi nagsusulat at nangongolekta lang.
Pero subok lang. Baka ma-absorb. Kahit konti.

Kapag naka off ang cellphone ko mas madali kong naloloko ang sarili ko na walang naghahabol,  walang naghahanap,  walang nagagalit…dahil sa totoo lang, hindi naman ‘to napakaimportanteng pelikula at wala naman akong mga trabahong nilalagay sa panganib o pamilyang ginugutom o social condition na pinalalala kung sakaling hindi ko matapos ang dapat matapos sa oras.

Binabalot ko ng katahimikan ang kapaligiran ng isip ko para mas lalong makapagpanggap na walang pressure. Kasi kahit katiting, nakakatulong yun sa pagluwag ng turnilyo nung baul  na nasa loob ng utak ko para mas madali ko itong mabuksan at makahugot ng isusulat.

Alam ko mahirap intindihin yun ng hindi nagsusulat at nangongolekta lang.
Pero subok lang. Baka ma-absorb. Kahit konti.

Hindi ko na problema kung hindi ako makontak dahil cellphone lang ang alam nating paraan ng pakikipag usap.

May telepono pa rin ako. hindi pa putol.
May bahay din ako. Puwede ako dun puntahan. Abangan.
Just like the good old days.

Pero kung hindi pa naman ganung level ng pagka urgent na matter of life and death rise and fall make or break na ng kumpanya ang pagsusubmit ko o hindi…hayaan ako magsulat.

Shhh.

Advertisements