Minsan, Nagmeron

by Katski

Minsan nagmeron ang isang makata,
na tinaludtod ang pamamaalam sa isang pag-ibig.
Kasalo ang diablong gutom sa kanyang kaluluwa,
itinakda ang pagwawakas sa damdaming hindi magapi.
Hawak niya ang plumang natuyo nang unti-unti.
Sinipsip ng hangin kahihintay sa tulang ayaw pahuli.

Isang gabi, sa huling pagkakataon,
sumulat siya para sa kanya.

Minsan nagmeron ang isang mananayaw,
na tinuruan ang sarili ng indayog ng pagwawaksi.
Huling utang sa manonood na matagal nang nakaantabay,
pantubos ng palakpak at nakabibinging papuri.
Saliw sa kumpas ng nahahapong maestro,
ipinihit niyang pilit
ang pusong nanliliit,
na sinundan ng katawang hindi nag-iisip.
Suplong ng musikang bumabalot sa kanyang linang,
sa bawat galaw na lumulunod sa kanyang kabuuan.

Isang gabi, sa huling pagkakataon,
nag-alay siya ng sayaw para sa kanya.

Minsan nagmeron ang isang manunulat,
na sampung milenyo nang hinahabi ang isang kuwentong salat.
Kasabay ng ugong ng makinilyang pumipitik,
susubukan, sisimulan ang katapusan, muli.
Hawak ang isang pahinang umiiyak sa pag-asa,
na ngayon, sa wakas, magwawagi na ang bida.
Na madaraig ng salamangka ang halimaw na tuso,
maglalaho kasabay ng pait at pagsinta sa kanyang puso.

Ngayon, saksi ang langit, tatapusin niya ang kuwento,
sumusumpang walang kabanatang susunod pa dito.

Madalas, minsan, nagmeron ang isang ako.
Na ngayong gabi, gaya ng dati ay muling namamaalam sa yo.

Advertisements